Richard Kate Ricohermoso
Tapos na ang semester. Okay naman ba? Kung ayos naman, edi Mabuti! Kung hindi, anong nangyari?
Noong high school pa lang ako, nag-umpisa akong tamarin sa school. Unti-unting bumaba ang grades ko. Kaya sabi ko, okay lang. May ilang taon pa naman para bumawi. Pero hindi ako nakabawi. At tumuntong ako sa kolehiyo; palaging idinadaan sa mga simpleng panalangin ang bawat kalbaryong araw na dumadaan – na iniiakyat ko na lang sa Kanya ang aking mga grado, o ako na lang ang i-akyat Niya sa piling niya kung hindi na talaga kaya.
Lumilipas ang midterms at finals. May mga pagkakataong tagilid ako. Napapaisip ako kung sasabihin ko pa sa aking sarili na babawi ako sa sunod na semestre. Para akong boksingerong nagpupumilit bawiin ang titulo pero natalo na ng maraming beses. O estudyanteng kakasabi ng babawi, babawi e malapit nang bawian ng buhay. *tawa*
Ilagay mo ang iyong sarili sa isang senaryo. Ikaw ang boksingero, at coach mo ang mga magulang mo. Bumagsak ka sa loob ng ring at nawawalan na ng lakas at pag-asa. Ngayon ay binibilangan ka na. Nakita mo ang mga magulang mo, malungkot at dismayado na sila. Anong gagawin mo?
Nakaka-relate ka ba? Kung magpapatuloy ang ganito nating gawiain, ano ang pwedeng mangyari? Pwedeng mag-shift ka sa ibang course. Pero sayang naman ang nasimulan mo, ‘di ba? Pwede ka ring maging irregular student. Pwede rin namang magpahinga ka muna sa bahay, maging certified tambay. Tuluyang bumagsak amg kinabukasan. Knock out!
Mahirap naman talaga ang buhay-estudyante. Nandyan ang mga exams, mga quiz, nakakabadtrip na mga professors, activities, seatworks, recitations, projects. Pero sana isipin natin na mas mahirap ang buhay ng mga magulang. Kung nahihirapan ka na sa pag-aaral natin, ano pa kaya yung hirap na nararamdaman ng nagpapa-aral sa atin? Imbes na makatulong sa magulang at sa lipunang ginagalawan natin dahil nabigyan tayo ng prebilehiyong makatuntong sa kolehiyo, may posibilidad pang mabulilyaso dahil hindi ka nagseryoso.
Kung exams, quizzes, recits ang problema, isa lang ang solusyon diyan. Simple lang – mag-aral nang mabuti! Bakit hindi subukang mag-jot down notes nang may napapag-aralan sa gabi o bago man lang mag-exam? Problema mo rin ang projects, research papers at kung anu-ano pang mga papers na gusto mo na lang ipanggatong minsan? Bago ikaw ang tuluyang igatong sa impyerno, Huwag na mag-cram. Iwas procrastination. Kung kaya namang gawin nang mas malayo pa sa deadline ang mga gawin, gawin na natin agad. At higit sa lahat, time management. Maglaan ng oras sa academics at extra-curricular activities slash walwal. Wala namang masama sa paglilibang paminsan-minsan. Yun nga lang, sana alam natin ang limitasyon.
Naiingayan ka na ba sa akin dahil alam mo naman pala ang sinasabi ko? Tara, simulan na natin. Mga simpleng bagay lamang ito na akin ding napagtanto sa pagi-stay sa kolehiyo. Mga simpleng bagay pero malaki aang magagawa nito sa buhay mo.
Hindi tsamba ang pag-aaral. Kailangan ng sipag, tiyaga at ilang kandilang panunog ng kilay. Oo nga’t pwede kang manalo sa huli pero hinding hindi tataas ang tsansa mong manalo kung hindi ka mag-eensayo. Oo nga’t daraan ang midterms at finals, dadaan ang dalawang sem taun-taon, pero sana huwag nating padaanin lang. Baka sa huli, magsisi ka dahil wala na sila para sabihin mong babawi ka.
Isipin nating nasa ring ka. Hawak mo ang pinakamataas mong titulo – ang diploma mo. Tsaka mo sabihin sa magulang mo, Ma, Pa, para sayo ang laban na ‘to.
Tapos na ang semestre, binibilangan ka na. Hindi ka pa ba babangon?
Comments