top of page
Writer's picturethemsciansoffcl

Filibustero

RK Ricohermoso

Alalahanin natin si Isaganing mahilig sa pagbabago at pagsulong kaya’t mapanganib. Si Basillio na tinatawag nilang tubig na tulog. At ang lihim na paghahamok ng mga estudyante at ang kinatatakutang pagbagsak ng mga Dominikano at ng noo’y pamahalaang Kastila.

Sa ikalawang nobela ni Dr. Jose Rizal na El Filibusterismo, nabanggit ang patungkol sa kagustuhan ng mga kabataan na magtayo ng isang akademya na magtuturo ng wikang kastila. Subalit ito’y hindi masang-ayunan sa kadahilanang takot ang mga prayle’t kastila na maunawaan ang kanilang wika o magdulot pa ng rebelyon o pag-aalsa kung sakali.

Ilang dekada na rin mula nang nag-umpisa itong pag-aralan sa halos lahat ng antas ng pag-aaral. Lumipas na ang daang taon pero napapanahon pa rin ang nais iparating ng isang bahaging ito ng nobela. Noong minsang makadalo ako sa isang seminar na tatalakay sa RA 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act, saglit na napag-usapan ang pagkakaroon ng mga programa ng mga indibidwal na organisasyon ng mga estudyante ng kolehiyo. Walang naglalakas-loob na tumaas ng kamay noong una, hanggang merong isa – na nagsagawa ng isang outreach program na wala namang kinalaman sa kanilang kurso.

Bukod sa mga indibidwal na organisayon ng bawat departamento o kurso na tiyak nang may kinalaman sa kanilang tinatahak, may ilang organisasyon pa na dapat na buuhin ang mga estudyante na maglalayong magkaroon pa ng mas malawak na pakikilahok sa komunidad o kahit simpleng bolunterismo lamang at pagtugis sa kagustuhan ng puso. Isang organisayon na malayo sa mga paulit-ulit at bayarin at malayo sa mga gawaing may kinalaman din naman sa nakaka-pressure na atmospera ng kanilang kurso.

Subalit sa nakikita ko, hindi katulad nina Isagani, Basillio o ni Macaraeg na itinutulak ang akademya; sa ngayon sa kolehiyo, parang walang estudyanteng nagnanais na bumuo ng kahit na isa. Isang organisayon na maglalayong palaguin ang kanilang kaalaman o talento sa pagsasayaw, pagkanta, pagtula, pagtulong sa mga mahiirap na komunidad o magkakaroon ng pagkakataong alamin ang kalagayang pulitikal ng bansa o ng probinsya. Hindi ko ini-small ang kakayanan ng mga professional organizations na gawin ang mga naturang aktibidad subalit hindi ba’t mas makatutulong sana sa kanila kung mga aktibidades na may kinalaman sa kanilang kurso ang magagawa nila? Halimbawa’y mga seminar o trainings. Sa kabilang banda, kung maitatayo ang nilalayong organisasyon na ipinupunto ngayon ng aking opinyon, marahil ay mas maraming estudyante ang magagawa ang kanilang kagustuhan, mapapansin habang patuloy na hinahasa ang kanilang talento, kakayahan at talino. Mabibigyan ng pagkakataon ang lahat, at hindi lamang ang mga lider estudyante na tanging sila lamang ang may kakayahang gumawa ngayon ng mga kakayahang ginagamit nila sa mga established nang organisayon.

Walang may lakas ng loob na bumuo. Marahil ay dahil sa takot ng mga estudyante na hindi ma-apruba ng mga nagsisilbing prayle at Kastila ngayon, ang Office of Student Affairs.

Para sa Office of Student Affairs, lubos na pag-engganyo sa mga estudyante lalo’t higit bilang kabataan na bumuo ng mga organisayong na maglalayong buksan pa ang nakasaradong isip ng bawat isang indibidwal ng Estado Kolehiyo ng Marinduque; kultural, pulitikal, o propesyonal man na mga aspeto. At sa mga estudyante, magsilbi sanang maging halimbawa sina Isagani, Basillio at Macaraeg. At sa bawat isang panig, sa nakakataas at sa pinagsisilbihan, buksan natin ang ating kaisipan, nawa’y huwag tayong matakot sa pagbabago at pagsulong na nanaisin ng bawat isang organisasyon ng ating kolehiyo. Walang pagsulong na kailanma’y naging mapanganib at mananatiling tahimik ang tubig kung alam nating parehas na panalo at makikinabang ang bawat panig.

0 views0 comments

Comentarios


bottom of page