Scribere Autem Iam Eligere
- themsciansoffcl
- Apr 14, 2019
- 3 min read
Narinig natin at nakita ang kwento ng mga pilay na nakakalakad matapos pagalingin ng isang Mesiyas, pagalingin ng kanyang pananampalataya o paglakarin ng mas tinatawag natin sa ngayong himala. Ngunit higit at bago pa man pagalingin ang isang pilay, kinailangan muna nito ang isang alalay. Alalay upang makatayo. Alalay upang magawa ang pang-araw araw at normal na mga nakagawian. Pagkapilay na higit na mas malaki ang naging masamang dulot lalong higit sa karapatan ng mga estudyante na makapagpahayag at magkaroon ng isang boses na kakatawan sana sa kanilang mga layunin, aspeto at mga kagalingan.
Sa isang biglaang usapin, naitanong minsan sa amin, aktibo lang ba kayo tuwing intramurals? Isang manipestasyon lamang na walang sariling pagkaka-kilanlan at hindi ganoon ka-aktibo ang pang-estudyanteng publikasyon ng Marinduque State College. Nakakatawa pero higit na nakakapag-alala at mahirap ding magkibit-balikat lalo’t may posibilidad na hindi pala nagagampanan ng publikasyon ang pagiging boses ng kapwa nito estudyante.
Taong 1992 nang maipasa ang Campus Journalism Act na naglalayong mas lalong paigtingin at palakasin ang kapangyarihan ng pamamahayag sa mga eskwelahang elementarya, sekundarya at tersaryo. Dito ay inilalahad din ang mga karapatan ng mga mamamahayag.
Maraming taon na ang lumipas. Maraming mga publikasyon na ang may nai-ambag sa unibersidad na kanilang nasasakupan o nagbigay ng mahalagang tulong sa mismong bayan tinawag man sila minsang lamok na hindi naman dapat katakutan ang isang kagat. Subalit tandaan nating ang dugo, pawis at talino na ginamit ng mga mismo nitong manunulat ang tumulong upang makapagpabagsak ng isang diktador o magparinig sa isang gobyernong nagbibingi-bingihan at naging isang diyaryong itinatapon sa matataas na pader ng mga makakapangyarihang iilan upang nang sila’y mabasa manlang. Maraming mga pahayagan na rin ang ipinasara dahil sa kanilang ipinakitang tapang at ito’y makikita pa rin natin hanggang sa ngayon. Marami na rin ang mga mamahayag na tuluyan at habambuhay na naisara ang kanilang mga mata dahil sa ipinakitang tapang ng kanilang mga panulat.
Patuloy na pag-ipit sa mga karapatan. Patuloy na pagbusal sa bibig. Patuloy na pagpiring sa mga mata. Ipinagpapasalamat ng The MSCians na hindi nila nararanasan ang mga ganitong mga karanasan.
Higit sa anuman, ang laban ng anumang publikasyon, ito man ay maliit na bahagi lamang ng isang unibersidad o bahagi ng isang bansa ay laban na rin o pagtatanggol na rin sa demokrasyang matagal na ipinaglaban. Dahil sa nailalahad na mga isyung dapat malaman ng mga estudyante, naiiwasan na maging sunud-sunuran at tuta lamang ang mga nakakaalam. Isang matibay na ebidensya, na may kakayanang magkaroon ng isang progresibong isip ang bawat isa.
Oo, may mga pisikal na kakulangan ang publikasyon, subalit pilit na pinupunan ng mga salita at letra ang bawat kawalan. Dahil hindi naman talaga mahahadlangan ng mga pisikal na kakulangan ang isang progresibo at malawak na pagiisip dahil maubusan man kami ng tinta’t papel, nariyan pa ang uling at pader.
Sa aming kapwa mga estudyante, kayo ang Mesiyas na hinihintay namin. Ang siyang aalalay. At patuloy na magtatayo sa amin. Dahil sa huli, ang paglingkuran ang mga estudyante ang siyang nilalayon ng mga panulat na ito.
Subalit higit sa pagtibag sa anumang magiging hadlang sa malayang pamamahayag na nais i-tulak ng publikasyon, higit nitong inaalala ang kawalan nito ng mga aktibong manunulat na siya sanang unang gagawa ng pag-uulat at pagmumulat sa mga kapwa niya estudyante sa mga impormasyong may kinalaman sa bawat isa sa kanila. Higit din nitong inaalala ang kawalan ng suporta mula sa itaas. Ang paglalayon sana nitong magkaroon ng isang opisina na siyang magiging ‘tahanan’ nito na kung saan maisasagawa ang mga gawain nito at ang kalayaan manlamang sana nitong makapag-imprenta ng isang pahayagang makakaabot sa nakararami – sa mga estudyante na siya nating itinuturing na pinakamahalagang aspeto ng ating kolehiyo ay isang magandang simulain.
Marahil, sa inyo mga kapwa naming manunulat, maitatanong niyo sa inyong mga sarili, bakit nga ba ako nagsusulat? At bakit ako umabot sa ganito? O baka mas tama nating itanong na, bakit tayo umabot sa ganitong mundo dahil sa pagsusulat?
Unti-unti nang napipilay ang Opisyal na Estudyanteng pampahayagan ng Marinduque State College. Unti-unti na ring nagiging marupok at tila ba gusto nang bumigay ang siya sana nitong alalay. Mag-iintay pa ba tayo ng Mesiyas na makapagpapagaling o makapagpapalakad sa atin? O tuluyang hindi na lang na hindi mamalayang pinuksa na lang ng mga takot at pangamba o pagsasawalang bahala – sa anyo ng pagkikibit-balikat na lamang sa karapatan ng bawat estudyanteng masasakupan sana ng pahayagan. Pagkikibit balikat sa karapatang makapagpahayag, ipahayag o simpleng marinig lamang ang kahit na maliit na hinaing. O baka naman kinakailangang tayo na mismo ang tumayo para sa ating sarili? Fellow MSCians, let’s take our stand! Sa ngalan ng malayang pamamahayag!

Comments